Lagda na lamang ni Health Sec. Francisco Duque III ang hinihintay gayundin ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council o HTAC at aarangkada na ang pagtuturok ng 4th dose o 2nd booster shot.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Nina Gloriani ang pinuno ng Vaccine Expert Panel na sa katunayan ay naka-route na sa office ng secretary ang rekomendasyon at ilalabas anumang araw mula ngayon.
Paliwanag pa ni Dr. Gloriani, handa na maging ang guidelines ng National Vaccination Operations Center (NVOV) at pinaplantsa na ang deployment ng mga bakuna.
Una nang sinabi ng NVOC na bahagyang naantala ang pagsisimula nang pagbabakuna ng 2nd booster shot sa targeted population dahil hinihintay pa nila ang review at rekomendasyon ng HTAC.
Sa naunang rekomendasyon ng Vaccine Expert Panel (VEP) tanging ang mga medical health workers, senior citizens at immunocompromised individual pa lamang ang maaaring bigyan ng 2nd booster shot.
Sa National Capital Region (NCR) muna ito unang iro-roll out pero nag-request na rin ang Regions 3 at 4A na sila ay isali sa initial roll out at kapag ito ay naging matagumpay ay ipatutupad narin sa buong bansa ang pagbibigay ng 4th dose sa ilang piling indibidwal.