Rekomendasyon ng mga local official, mas dapat pakinggan ng IATF – VP Robredo

Dapat na mas pakinggan ng pamahalaan ang rekomendasyon ng mga local official hinggil sa mga polisiyang dapat ipatupad sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo makaraang irekomenda ng Metro Manila mayors na panatilihin ang General Community Quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) hanggang sa matapos ang holiday season.

Katwiran ng bise presidente, mas alam ng mga local official ang sitwasyon sa kanilang lugar.


“Kasi iba-iba nga, hindi pwedeng one-size-fits-all. Kasi sila rin yung mahihirapan kapag hindi sila pinakinggan, s’yempre sila yung first responders e,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni ng RMN.

Kasabay nito, muling iminungkahi ni Robredo ang pagtatalaga ng kinatawan ng mga liga ng barangay, munisipalidad, lungsod at probinsya sa Inter-Agency Task Force (IATF).

“Ni-recommend din natin before na sana may representative yung mga liga sa IATF kasi para sakin sila talaga yung mas makakapagbigay ng naaakmang rekomendasyon,” dagdag pa ng bise presidente.

Naniniwala rin ang bise presidente na dapat nang i-normalize ang buhay sa mga lugar na walang community transmission ng COVID-19.

“Paulit-ulit ko tong sinasabi, pati yung pag-aaral ng mga estudyante dapat iba yung treatment. Kasi kung wala namang community transmission dapat mas nino-normalize yung buhay ng tao kasi kawawa yung mapapag-iwanan hindi lang sa eskwelahan pero pati sa pang-hanapbuhay,” ang pahayag ni Robredo.

Facebook Comments