Hindi na kailangan magdeklara ng “state of calamity” sa buong bansa dahil sa iniwang pinsala ng Bagyong Paeng.
Ito ang naging desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) kaugnay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa nasabing isyu.
Sa isinagawang press briefing sa Noveleta, Cavite, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na kumonsulta siya sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pangunahin na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Dagdag pa ng pangulo, batay anila sa kanilang pagtaya ay localized lamang ang idinulot na mga pinsala ng mga nagdaang kalamidad at walang pangangailangan na ideklara ang “national state of calamity”.
Ayon pa kay PBBM, maaari na lamang tumutok ang pamahalaan kung ano ang kasalukuyang “calamity status” na pinaiiral ngayon sa bansa.
Samantala, iginiit ng pangulo na kailangan na talaga ng pangmatagalang plano para paghandaan at harapin ang mga kalamidad na darating sa bansa.
Ayon kay PBBM, hindi na kailangan hintayin na dumating pa sa punto na abutan ng landslide o pagbaha ang mga residente.
Kaya naman aniya palagi niya pinipilit sa NDRRMC na kapag may paparating na bagyo ay dapat laging may preemptive evacuation.
Tiniyak naman ni Pangulong Bongbong Marcos na lahat ng mga nasa evacuation centers ay maseserbisyuhan, kung saan bibigyan ng pagkain at tubig at sa lalong madaling panahon ay maipabalik na sa kani-kanilang tahanan, basta’t ligtas na ang sitwasyon.