
Naiparating ng Department of Health (DOH) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa Office of the Executive Secretary ang rekomendasyon na ideklarang national public health emergency ang HIV sa bansa.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na ang mungkahi ay batay sa rekomendasyon ng Philippine National AIDS Council, ang pinakamataas na lupon na nangangasiwa sa pagpapatupad ng mga polisiya laban sa HIV at AIDS.
Bagama’t hindi pa natutuloy ang nakatakdang pulong ng DOH at ng gabinete ukol dito, tiniyak ng kagawaran na patuloy ang kanilang mga hakbang upang mapalawak at mapalalim ang mga programa laban sa HIV.
Samantala, isinusulong naman ng DOH na amyendahan ang batas sa pagbibigay ng access sa publiko ng treatment sa HIV na antiretroviral drugs.
Inirekomenda rin ni Herbosa na bigyan na rin ng parental consent o pahintulot ng magulang ang mga kabataang 16-years old at na-diagnose ng HIV, na makakuha ng ARV treatment.
Nauna nang naibaba ng DOH sa labing-anim na taong gulang ang age of consent para sa mga kabataang nais sumailalim sa HIV testing.









