Binawi ni Philippine Army Chief Lieutenant General Cirilito Sobejana ang rekomendasyon nitong isailalim sa martial law ang Sulu matapos ang kambal na pagsabog sa Jolo kung saan 15 ang nasawi at mahigit 70 ang nasugatan.
Ayon kay Sobejana, hindi na niya ipupursige ang batas militar dahil posibleng may iba pang mas magandang opsyon para mapigilan ang anumang gulo sa Sulu.
Inirerespeto rin niya ang mga pahayag ng national leadership at sentimiyento ng general public.
Kasabay nito, ipinagmalaki ni Sobejana ang “professionalism” at “maturity” ng militar sa pagpapatupad ng martial law sa Sulu noong commander pa siya ng Joint Task Force Sulu noong 2017.
Sa panahong iyon aniya, napababa ng militar ang bilang ng kidnap victims sa tatlo mula sa dating 54 habang ilang Abu Sayyaf Group (ASG) key leaders ang kanilang na-neutralize.
Bukod dito, daan-daang ASG members din ang sumuko kasama ang mahigit isang libong loose/ undocumented firearms.
Pagtitiyak ni Sobejana, palalakasin nila ang kanilang security operations para maprotektahan ang mga taga-Sulu at buong sambayanang Pilipino sa anumang masamang balak ng teroristang grupo.