Inirekomenda na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang week long closure ng mga sementeryo sa darating na Undas dahil pa rin sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, hinihintay na lamang nila ang desisyon ng IATF sa isang linggong pagsasara ng mga sementeryo simula October 28 hanggang November 4.
Kasabay nito, hinikayat ni Garcia ang Local Government Units na magkaroon ng ispesipikong guidelines tulad ng sa Marikina na magiging bukas lamang sa 30% kapasidad.
Sa kabila nito, tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na babantayan pa rin nila ang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Metro Manila sa Undas.
Ayon kay NCRPO Chief Major Gen. Debold Sinas, inatasan na niya ang mga chief of police at station commanders sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa mga LGU kaugnay ng kanilang ilalabas na guidelines sa Undas.