Cauayan City, Isabela- Puspusan ang ginagawang pagtatrabaho ng mga kasapi ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pamamahagi ng mga relief supplies para sa mga pamilyang apektado ng malawakang pagbaha sa probinsya ng Cagayan.
Nagtulong-tulong ang mga PCG Personnel upang maipaabot ng mabilis at maayos ang mga tulong sa mga lugar na tinamaan ng matinding pagbaha.
Ang Coast Guard Aviation Force (CGAF) lulan ng dalawang airbus light twin engine helicopter ng PCG, ang CGH-1451 at CGH-1452 ay patungong Aparri, Cagayan upang maghatid ng tulong.
Ang bawat isang helicopter ay naglalaman ng saku-sakong food packs mula sa Provincial Social Welfare Development ng Cagayan.
Namahagi naman ang ilang kasapi ng PCG ng purified drinking water sa mga apektadong pamilya sa Barangay Bayabat, Amulung, Cagayan.
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang relief transport mission ng mga barko ng PCG, kabilang ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301), para masigurong makararating sa Bicol region ang lahat ng donasyong natanggap ng serbisyo mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon.