Cauayan City, Isabela- Umabot na sa 20,857 relief packs ang naipaabot ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa ibat-ibang bayan para sa mga pamilyang nasalanta ng malawakang pagbaha na dulot ng Typhoon Ulysses.
Sa kasalukuyan, wala pa rin tigil sa pagpapadala ng relief packs sa mga isolated barangays sa lalawigan sa pamamagitan ng aerial relief operations ng Philippine Air Force.
Limang (5) kilo ang bigat ng kada pack na naglalaman ng mga canned goods at assorted items para sa mga nasa lugar pang lubog sa tubig baha ang pabalik-balik na kinukuha at ipinapamigay ng PAF sa mga apektado.
Katuwang naman ang Provincial Social Welfare and Development Office, Task Force Lingkod Cagayan at Philippine National Police at ang ibang pwersa ng Pamahalaang Panlalawigan sa paglalarga ng mga ayuda sa mga bayan na hindi pa matunton ng mga sasakyan.
Ang mga bayan na napamahagian na ng relief packs ay Alcala, Allacapan, Amulung, Aparri, Ballesteros, Camalaniugan, Claveria, Enrile, Gattaran, Iguig, Lallo, Lasam, Pamplona, Penablanca, Sanchez Mira, Solana, Sta. Praxedes, Sto. Nino at Tuguegarao City.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ngayon ang pagdagsa ng mga tulong at donasyon mula sa iba’t-ibang ahensya, LGU’s, organisasyon, grupo, at mga indibidwal habang tuluy-tuloy din ang ginagawang repacking sa Cagayan Coliseum kasama ang mga empleyado ng Kapitolyo at ilang mga volunteers.