Ipinasasantabi ni Foreign Relations Committee Chairman Senator Imee Marcos ang relokasyon sa Pilipinas ng Afghan refugees at sa halip ay mas dapat na unahin ng bansa ang evacuation plan para sa mga kababayan na naiipit sa tensyon sa pagitan ng Taiwan-China-US.
Ayon kay Sen. Marcos, ang paglalatag ng evacuation plan ng humanitarian at disaster response efforts ng bansa at ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ang dapat na agarang targetin o gawin sa halip na temporary housing para sa immigrants ng Afghanistan.
Diskumpyado ang senadora sa sinasabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroon na silang ikinasang evacuation plan para sa 150,000 na mga manggagawang Pinoy sa Taiwan sakaling sakupin ng China ang Taiwan at magkagulo na sa naturang rehiyon.
Aniya pa, walang detalye, walang drill at ang focus ng ginagawa ng bansa at US sa ilalim ng EDCA ay puro military exercises at walang aktibidad para sa rescue mission.
Samantala, nangangamba naman si Sen. Marcos sa seguridad ng bansa dahil maaaring maging banta ang Afghan refugees sa mga bansang tatanggap sa kanila dahil marami sa mga ito ang walang dokumento na magpapatunay ng kanilang kaugnayan sa US government lalo na ang mga espiya ng militar.
Bukas ay sisimulan ng komite ni Sen. Marcos ang imbestigasyon sa hiling ng US na temporary housing sa bansa para sa Afghan refugees.