Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na ang investigational drug na Remdesivir na kasalukuyang na ginagamit sa ilang COVID-19 patients ay walang Certificate of Product Registration (CPR) sa Pilipinas.
Ayon sa FDA, ang ipinagkaloob lamang nila sa Remdesivir ay Compassionate Special Permits (CSP) na ni-request ng ilang qualified medical specialist o ospital para gamutin ang COVID-19 patients.
Ang CSP holder ang may pananagutan para sa paggamit ng nasabing gamot.
Dapat nilang abisuhan ang pasyente ukol sa investigational status ng gamot at i-report sa FDA ang resulta ng bawat pasyenteng nakatanggap ng produkto.
Ang gamot ay ginagamit sa adults at pedriatic patients, partikular ang mga taong may edad 12-anyos pababa, para sa COVID-19 treatment na nangangailangan ng hospitalization.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na ang Remdesivir ay maaari lamang magamit para sa treatment ng critical at severe cases ng COVID-19 sa bansa.
Iginiit ng FDA na ang CSP ay hindi CPR o Emergency Use Authorization (EUA).