Tumaas ang halaga ng natatanggap na remittance ng bansa mula sa Overseas Filipino Workers (OFWs) nitong Mayo.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), pumalo sa 2.70 bilyong dolyar o katumbas ng halos 152 billion pesos ang natanggap na personal remittance noong Mayo.
Mas mataas ito ng 2% kumpara sa 2.65 billion dollars o halos 150 billion pesos na natanggap ng bansa sa kaparehas na panahon noong nakaraang taon.
Dahil dito, sumampa na sa 14.02 billion dollars o mahigit 788 bilyong piso ang natatanggap na personal remittance ng bansa sa unang limang buwan ng 2022.
Tumaas ito ng 2.5% kumpara sa 13.68 billion dollars o halos 770 bilyong piso na naitala sa unang limang buwan ng 2021.
Ayon sa BSP, bunsod ito ng mga ipinapadalang remittance ng land-based workers na may higit isang taon ang kontrata at ng mga sea at land-based workers na wala pang isang taon naman ang kontrata.
Malaking bahagi ng natatanggap na remittance ng bansa ay mula sa mga bansang Amerika, Saudi Arabia, Japan, Qatar at Singapore.