Remote Enrollment System, ipatutupad ng DepEd ngayong paparating na School Year 2020-2021

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at mga magulang sa nalalapit na enrollment para sa School Year 2020-2021 na magsisimula ngayong June 1, 2020 hanggang June 30, 2020, inihayag ni Department of Education (DepEd) Usec. Annalyn Sevilla na hindi kailangang pisikal na magpunta ang mga magulang sa eskwelahan upang i-enroll ang kani-kanilang mga anak.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Usec. Sevilla na ilulunsad ng DepEd ang Remote Enrollment System kung saan kokontakin ng mga previous adviser ang kanilang mga estudyante at doon aalamin kung paano maipararating ang survey at enrollment form.

Maaari aniya ito via email o online, text o tawag at kung hindi uubra, ay ihahatid ang mga nabanggit na forms sa mismong tahanan ng estudyante.


Dito pupulsuhan ng ahensya kung anong learning modality ang naaangkop sa isang estudyante lalo na kung wala itong access sa internet o walang gadget sa bahay.

Dito aniya papasok ang flexible learning kung saan sa pamamagitan ng TV at radio tuturuan ang mga bata.

Kasunod nito, nilinaw naman ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang gagawing enrollment ng mga bata ngayong Hunyo ay bilang paghahanda na ginagawa ng ahensya para sa pagbabalik edukasyon, hindi man ito face-to-face learning, pero sa ibang paraan ng pag-aaral tulad ng flexible o blended learning system.

Sang-ayon din ang ahensya sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hangga’t wala pang gamot o bakuna laban sa COVID-19 ay walang magaganap na face-to-face o pisikal na pagpasok ang mga estudyante sa mga eskwelahan dahil ang pangunahin nilang prayoridad ay ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Facebook Comments