
Isinusulong ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na gawing non-bailable offense ang illegal possession ng loose firearms at patawan ito ng hanggang 20 taong pagkakakulong.
Kasunod ito ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City.
Ayon kay Remulla, hindi sapat ang kasalukuyang parusa dahil maaari pa ring makapagpiyansa ang mga mahuhuling ilegal na nagtataglay ng loose firearms habang dinidinig ang kanilang kaso.
Sinabi rin ng kalihim na kumikilos na ang mga lider ng Kongreso para sa mga panukalang magpapalakas sa firearms law ng bansa at posibleng mapabilis ang pag-aksyon dito pagsapit ng Enero.
Bukod sa mas mabigat na parusa, iginiit ni Remulla ang mas malaking pananagutan ng mga lisensiyadong gun owner sa pagtiyak na ligtas at hindi maaabot ng mga hindi awtorisadong indibidwal ang kanilang mga armas.
Binigyang-diin din niya na ang pagmamay-ari ng baril sa Pilipinas ay isang pribilehiyo at hindi karapatan.
Kasabay nito, nanawagan si Remulla ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga polisiya para sa uniformed personnel, partikular sa wastong pag-iingat ng mga armas na ipinagkatiwala sa kanila.










