
Sinalakay ng mga anti-drug operatives ang isang rental room sa Barangay 176-D, North Caloocan matapos makumpirma ang impormasyong ginagamit umano ito bilang imbakan ng ilegal na droga at mga essential chemicals na sangkot sa pagmamanupaktura ng ilegal na droga.
Pinangunahan ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang search operation, kasunod ng search warrant na inilabas ni Judge Rodolfo Azucena Jr. ng Caloocan Regional Trial Court.
Kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang drug paraphernalia, kabilang ang 20 litro ng ilegal na precursor chemical.
Hindi naabutan sa lugar ang may-ari ng rental room na kasalukuyang pinaghahanap na ng mga awtoridad.
Pinuri naman ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mabilis na aksyon ng Caloocan City Police Station.
Muling tiniyak ni Malapitan na walang puwang sa lungsod ang iligal na droga at paiiralin ng pamahalaang lungsod ang buong higpit ng batas laban sa mga patuloy na nagtatangkang magpalaganap nito.










