Iginiit ni Committee on Tourism Chairperson Senator Nancy Binay sa pamahalaan na maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga patakaran para proteksyunan ang Boracay.
Sa Lunes, October 15 ay magkakaroon ng dry run para sa muling pagbubukas ng Boracay sa October 26 matapos itong isara at isailalim sa rehabilitasyon simula noong April 26.
Ayon kay Binay, dapat mahigpit na ipatupad ng Boracay Inter-Agency Task Force sa mga turista ang mga dapat at hindi dapat gawin na makakasira muli sa Boracay.
Mungkahi ni Binay, isailalim sa training ang mga frontline staff ng bawat establisyemento para mapaalalahanan nila ang mga turista sa mga patakaran at mga maling hakbang sa isla.
Diin ni Binay, dapat tutukan ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng lokal na pamahalaan ng Malay sapagkat malaking bagay na alam ng mga turista ang mga bawal at makapipinsala sa Boracay.