Buo ang paniniwala ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers’ Partylist Representative France Castro na posibleng nagamit ang intelligence o confidential funds ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa reward system sa ilalim ng war on drugs.
Pahayag ito ni Castro makaraang isiwalat sa pagdinig ng quad committee ni dating PCSO General Manager Royina Garma na mayroong reward na 20,000 pesos hanggang isang milyong piso sa mga pulis na nakapapatay ng drug suspects sa ilalim ng drug war.
Ayon kay Castro, dapat tutukan ang daloy ng pondo mula kay Senator Christopher “Bong” Go patungo kay dating Chief Police Col. Edilberto Leonardo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 11.
Binanggit din ni Castro ang ibang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at mga operatiba mula sa mga ahensya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Corrections (BOC).
Giit ito ni Castro makaraang tukuyin ni Garma na nangasiwa sa reward system sa war on drugs ang mga personalidad na malapit kay Duterte kabilang sina Go at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na dating PNP Chief.