Manila, Philippines – Inamin ni Albay Representative Edcel Lagman na isa siya sa mga pinagpipilian ng House Minority Group na kumandidato bilang House Speaker mula sa oposisyon.
Pero ang layunin nito ay para makuha ang pwesto sa pagka-Minority Leader.
Paliwanag ni Lagman, isa lamang siya sa mga contender ng oposisyon para sa Minority leadership pero may iba pa na pinagpipilian.
Hindi muna binanggit ni Lagman ang iba dahil kasalukuyan pa lamang ang kanilang deliberasyon dito at ayaw din niyang pangunahan.
Nanawagan naman si Lagman sa supermajority na hayaan na magkaroon ng tunay na oposisyon sa Kamara at hindi na maulit ang “majority’s minority” kung saan sinasabing kaalyado pa rin ang nailuklok na lider ng Minorya noong 17th Congress.
Tiniyak nito na hindi magiging obstructionist ang oposisyon sa 18th Congress at maaaring makipagtulungan ang Minorya sa Mayorya lalo na sa pagsusulong sa kapakanan ng publiko at pagsunod sa batas.