Rep. Mangudadatu, handang magbitiw kung mapapawalang sala ang may kasalanan sa Maguindanao massacre

Manila, Philippines – Isinasantabi muna ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang mga banat sa kanila ng ilang grupo o kritiko hinggil sa kawalang aksyon umano sa kaso ng mga napapatay na mamamahayag sa bansa.

Ito ang sinabi ni Undersecretary Joel Egco, executive director ng PTFoMS sa pagdalo nito sa News Conference ng National Press Club, pinagtutuunan muna nila ng pansin ang kanilang trabaho kung saan isa sa kanilang pinaghahandaan ang nalalapit na promulgation ng kaso ng Maguindanao massacre.

Bagamat naiurong sa ika-20 ng Disyembre, sinabi ni Egco na posibleng mapaaga ang promulgasyon dahil sa Christmas vacation ng mga empleyado ng pamahalaan sa ikalawang linggo ng Disyembre.


Ayon pa kay Egco, naghahanap na din ng malaking venue ang korte sa Quezon City dahil sa dami ng mga respondents, witnesses at pamilya ng napatay na 58 indibidwal kabilang na ang 32 media personnel noong 2009 Maguindanao massacre.

Samantala, nirerespeto naman ni 2nd District Representative Toto Mangudadatu ang hininging 30-days extension ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 211 Judge Jocelyn Solis Reyes sa Korte Suprema para ibaba ang desisyon ng kaso.

Ayon kay Mangudadatu, hindi basta-basta ang kaso lalo na at kilala ang mga taong involve sa karumal-dumal na kaso.

Umaasa din si Mangudadatu at Egco na makakamit na ang hustisya ng pamilya ng biktima na sampung taon na nilang hinihintay at kung mabibigo, ay handa silang magbitiw sa kani-kanilang pwesto.

Facebook Comments