Humingi ng paumanhin at pang-unawa si dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez matapos niyang hikayatin ang Armed Forces of the Philippines na bumawi ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Paliwanag ni Alvarez, pasenya na at nadala lang siya ng bugso ng damdamin dahil kinakaladkad umano tayo ng Malacañang papunta sa digmaan laban sa China.
Paglilinaw ni Alvarez, mahal niya ang Pilipinas lalo na ang Mindanao.
Ang paghingi ng paumanhin ni Alvarez ay makaraang umani ng batikos lalo na sa kanyang mga kasamahang mambabatas ang kanyang pahayag na anila’y panawagan ng pag-aaklas laban sa gobyerno at sa pangulo.
Kabilang sa mga bumanat kay Alvarez ay sina Representatives Jurdin Jesus Romualdo, Khalid Dimaporo, Zia Alonto Adiong, Francisco Paulo Ortega, Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, David “Jay-jay” Suarez at Johnny Pimentel.
Para sa mga mambabatas, dapat imbestigahan ng House Ethics Committee si Alvarez at dapat din itong sampahan ng kasong kriminal dahil malinaw na ang pahayag nito ay may layuning pabagsakin ang gobyerno at punong ehekutibo.