Wednesday, March 4, 2026

Rep. Suntay, hinikayat ng kapwa mambabatas na mag-sorry at sumailalim sa gender sensitivity training

Nakikiisa si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña sa mga panawagan kay Quezon City Representative Bong Suntay na mag-sorry matapos ang kontrobersyal na pahayag kaugnay sa aktres na si Anne Curtis sa kasagsagan ng pagtalakay ng House Justice Committee sa ikatlong impeachment complaint laban kay Vice Presidente Sara Duterte.

Diin ni Cendaña, bilang mga public officials ay tungkulin nila na palaging isulong ang respeto sa mga kababaihan at pagpapanatiling ligtas ang lahat ng lugar para sa mga kababaihan.

Kaugnay nito ay nagpahayag din ng mariing pagkondena ang House Committee on Women and Gender Equality sa nabanggit na pahayag ni Suntay.

Giit ni Laguna 1st District Rep. Ma. Rene Ann Lourdes Matibag, ang sinabi ni Suntay ay hindi simpleng biro o harmless na komento dahil ‘yun ay pag-reduce sa isang babae bilang object of sexual imagination, tahasang sexist at nakakahiya.

Ayon kay Matibag, ang mga salitang binitiwan ni Suntay ay walang lugar sa anumang Institusyong dapat nagtataguyod ng respeto at propesyunalismo.

Paalala ni Matibag, ang freedom of speech ay hindi dapat maging free pass para sa misogyny kaya hindi dapat palampasin ang sinabi ni Suntay.

Facebook Comments