Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na umabot na sa 24,338 ang bilang ng repatriated OFWs na nag-negatibo sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.
Ito ay mula sa 21,564 na bilang kahapon.
Ang naturang resulta ay ipinapadala rin sa e-mail address ng OFWs.
Ang mga kasama sa nag-negatibo sa COVID-19 test ay pinapayuhan na makipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para maproseso ang kanilang pag-uwi sa lalawigan.
Samantala, bilang bahagi ng bagong sistema na ipinapatupad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), makakatanggap ng e-mail certification mula sa Philippine Red Cross (PRC) ang repatriated OFWs na sumailalim sa swab sample collection sa airport.
At kapag nakatanggap na sila ng e-mail certification na nagpapatunay na nag-negatibo sila sa COVID-19, kinakailangan nila itong ipagbigay-alam sa PCG o OWWA personnel sa quarantine facility para maberipika.