Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi nila irerekomenda ang pagsasailalim muli sa RT-PCR test ng mga taong nakumpleto na ang isolation at nakarekober na sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ito ay dahil sa masyadong sensitibo ang RT-PCR at kahit gumaling na ang pasyente ay maaari pa ring magpositibo sa COVID test.
Sinabi ni Vergeire na may mga pasyenteng nakakumpleto na ng araw ng isolation at wala nang sintomas ang hindi pa rin pinauuwi o kaya ay mga manggagawa na nakarekober na pero hindi pa rin pinapapasok dahil positibo sa repeat RT-PCR testing.
Nilinaw ni Vergeire na ang pasyenteng gumaling na sa COVID-19 ay maaari pa ring magpositibo sa RT-PCR test kahit walong linggo na silang nakarekober.
Dapat aniyang pagbatayan ang clinical tests tulad ng wala nang sintomas ang pasyente at nakakumpleto na ng 10 hanggang 14 na araw na quarantine.