Iminungkahi ni Senator Risa Hontiveros na i-reporma ang criminal justice system at penal system ng bansa upang matigil na ang mga krimen lalo na ang paggawa ng karahasan ng mga bilanggo sa labas ng kulungan.
Ang rekomendasyon ng senadora ay kaugnay na rin sa mga karumal-dumal na krimen na nangyayari ngayon sa bansa lalo na ang ginawang pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Hontiveros, hindi ’empty-handed’ ang pamahalaan sa mga suhestyon kung paano mareresolba ang problema ng krimen sa bansa.
Bukod dito, may mga pag-aaral na rin na ginawa para ireporma at higpitan ang mga batas laban sa paggawa ng krimen at pagpaparusa na siyang gagawin na lamang ng kasalukuyang administrasyon.
Maaari aniyang pagbasehan ang mga rekomendasyon at simulan na ng gobyernong Marcos ang pagsusulong sa reporma o pagwawasto sa mga kakulangan ng mga nakaraang administrasyon at tiyak na hindi sila magkakamali rito.
Dagdag pa ni Hontiveros, maaaring simulan ang reporma sa simpleng pagpapatupad ng striktong rules at regulations sa loob ng mga center kung saan nakapiit ang mga ‘persons deprived of liberty’ o mga inmates.