Reporma sa livestock sector, hiniling sa Kamara

Isinusulong ni Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang livestock reform upang mabilis na maibangon ang sektor ng agrikultura sa bansa.

Tinukoy ni Salceda na ang livestock sector ang humihila pababa sa agri sector matapos na maitala ang 17% na pagbaba sa livestock output sa 2021.

Lumiit din ang agricultural output sa 1.7% noong nakaraang taon.


Dahil dito, inanunsyo ni Salceda na nakikipagugnayan na siya sa Department of Agriculture (DA) para bumalangkas ng reporma sa livestock, poultry, at dairy sectors.

Ilan sa mga pangunahing components sa reporma ay pag-isahin sa isang “umbrella organization” ang mga ahensyang may kinalaman sa livestock; magpataw ng tariff revenues sa imported corn para sa development ng mas murang domestic corn; paglikha ng national livestock, poultry, at dairy development plan; at pagkakaroon ng support services at mamuhunan sa mga imprastraktura mula farm transport hanggang sa slaughterhouses.

Kailangan na rin aniyang maglatag ng complementary reform para sa pagtatakda ng parameters sa public-private partnerships ng livestock, poultry, at dairy sector upang maiwasan ang posibilidad ng budget cut sa agriculture sector.

Panghuli ay inirerekomenda rin ni Salceda ang reporma sa biosafety at inspection process ng Bureau of Animal Industry (BAI) upang maging matatag ang sektor laban sa mga biohazards tulad ng African Swine Fever (ASF).

Facebook Comments