Pinaiimbestigahan ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang mga reporma at solusyong inilatag ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kaugnay sa mga fraud issues na kinaharap ng ahensya.
Sa inihain ni Quimbo na House Resolutions 1769 at 1770, inaatasan nito ang House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan ‘in aid of legislation’ ang status ng social health insurance na pinangangasiwaan ng PhilHealth at ang utang ng ahensya sa mga healthcare facilities.
Tinukoy ni Quimbo na mula ng masilip ito ng Kamara ay hindi pa nakapagsumite ng report ang PhilHealth patungkol sa mga repormang inilatag nito.
Matatandaan na naungkat sa pagsisiyasat noon ng komite ang iregularidad sa National Health Insurance Program partikular sa pagtugon sa COVID-19 gayundin sa kwestyunableng implementasyon ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Nabulgar sa pagdinig ang 22% overpayment at 78% underpayment sa ilalim ng case rate system kung saan kinailangan ng ilang pasyente na magbayad sa sobra sa singil sa ospital habang ang ibang hindi COVID-19 case ay idineklarang may COVID-19 para sumobra ang claims ng ahensya.
Ilan pa sa mga bubusisiin ng ahensya ay kung anong mga hakbang o solusyon ang ginawa ng PhilHealth lalo na sa IRM matapos na makatanggap ng malaking alokasyon ang mga rehiyong may mababang kaso ng COVID-19 habang ang mga itinuturing na critical o hotspot areas ay maliit lang ang pondo sa COVID-19 cases.
Sisilipin din ng komite kung nabayaran na rin ba ng PhilHealth ang ₱6 billion na utang nito sa mga pribadong ospital na naging dahilan para maparalisa ang operasyon ng mga pagamutan sa pagtugon sa mga pasyenteng may COVID-19.