Maghahain si Marikina Representative Stella Quimbo ng dalawang resolusyon para silipin ng Kamara ang kasalukuyang lagay at mga hakbang na ginawa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para resolbahin ang mga isyu na may kaugnayan sa korapsyon ng ahensya na pinalala ng sitwasyon ng pandemya.
Sa privilege speech ni Quimbo, partikular na pinakikilos ng kongresista ang House Committee on Good Government and Public Accountability.
Aniya, natapos na ang unang quarter ng 2021 ay wala pa ring naisusumite ang PhilHealth na report sa Kongreso patungkol sa repormang ginawa ng ahensya matapos na makaladkad ito sa mga corruption issues.
Sisiyasatin sa kanyang ihahaing resolusyon ang mga aksyong inilatag ng PhilHealth sa anomalya sa National Health Insurance Program partikular sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at sa case rate system.
Naging anomalya sa IRM ang paglalabas ng pondo ng PhilHealth sa mga rehiyon na may isa o wala talagang kaso ng COVID-19 habang ang mga itinuturing na COVID-19 hotspot areas ay hindi man lang nabigyan ng malaking pondo.
Hinihingan din ng update ng mambabatas ang PhilHealth sa isyu nito sa case rate system kung saan nabusisi sa naunang congressional inquiry ang underpayment at overpayment lalo na sa mga COVID-19 cases.
Maliban dito ay pinapaimbestigahan din sa komite ang naging solusyon sa pamamahala at paggamit sa pondo ng PhilHealth at ang malaking utang ng ahensya sa mga pribadong ospital.