Reporma sa Philippine Nursing Act, iaakyat na sa Senado

Isusumite na sa Senado ang panukalang “New Philippine Nursing Practice Act” matapos na makapasa ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Mula sa botong 213 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay naaprubahan ang House Bill 9389 na layong maglatag ng reporma upang maprotektahan at mapaunlad ang Nursing profession sa bansa.

Pinapawalang-bisa naman ng panukala ang naunang Republic Act No. 9173 o ang “Philippine Nursing Act of 2002.”


Kung magiging ganap na batas ito, aayusin ang scope at practice ng nursing sa pamamagitan ng pagbibigay ng certification at specialization gayundin ay palalawigin ang kapangyarihan ng Board of Nursing upang mapalakas ang papel nito sa pagpapasya.

Ang ilalim ng board ay mayroon ding “National Career Progression Program” na titiyak sa patuloy na professional development ng mga Pinoy nurses.

Inoobliga rin ang board sa tulong ng iba’t ibang nursing specialty boards na lilikha ng council para sa nursing advancement, recognition at specialization.

Maglalatag naman ng incentive at benefit system kung saan ay nakapaloob ang free hospital care para sa mga nurses at mga dependents nito, scholarship grants at iba pang non-cash benefits.

Maglalatag din ng mga kondisyon upang mapayagan ang mga dayuhang nurses na magsanay ng propesyon sa bansa.

Facebook Comments