Pinabulaanan ng Philippine Army ang kumakalat na mga ulat na na-hack ang kanilang database ng isang grupong nagngangalang Pinoy Lulszec.
Nilinaw ni Philippine Army Spokesperson Lieutenant Colonel Ramon Zagala na ang ni-leak na impormasyon ng grupo ay hindi nakuha mula database ng Philippine Army, kundi sa mga lumang “dump files” na inililipat mula sa isang third party internet provider patungo sa database ng Philippine Army.
Ayon kay Zagala, noong Disyembre 2018 pa ninakaw ng grupo ang impormasyon, pero inilabas lang nila nitong April 1 para magmistulang na na-hack nila ang data base ng Army bilang bahagi ng kanilang “April fools” commemoration.
Sa kasalukuyan iniimbestigahan na ng Philippine Army kung paano nakuha ng grupo ang ninakaw na impormasyon.
Siniguro naman ni Zagala na ang lahat ng ibang data sa network ng Philippine Army ay “secured” at nagpapatupad na ang army ng “security assessment” para hindi na maulit ang pangyayari.