Hindi inaalis ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang posibilidad na makaapekto sa supply ng isda ang nangyaring oil spill sa Oriental Mindoro.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera na malaki ang impact ng oil spill sa kapaligiran dahil malalaking marine habitat ang tinamaan nito.
Sinabi ni Briguera, may long term effect ang oil spill lalo na kapag inabot ang mga bakawanan at coral reefs.
Ito aniya ay makaka-apekto sa mga itlog at fish larvae kaya apektado rin ang reproduction o pagdami ng isda sa mga apektadong lugar.
Matatandanag una nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mahigit 20 marine protected areas ang namemeligrong tamaan ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Ang Oriental Mindoro ay isa sa limang lalawigan na nakapaligid sa Verde Island Passage na kinikilala sa buong mundo bilang sentro ng shore-fish biodiversity.