Naitala ng OCTA Research Group sa 1.41 ang reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19 sa bansa habang ang positivity rate ay 21%.
Ibig sabihin, sa bawat tinatamaan ng COVID-19 ay nakakahawa ito ng isa o mahigit pa.
Mayroon naman ang Metro Manila na reproduction number na 1.76.
Ang Quezon City ang nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 kada araw mula August 5 hanggang 11 na nasa 467.
Sinundan ito ng Manila na may 304 daily new cases; Cebu City na may 275; Makati na may 195 at Davao City na may 175 daily new cases.
Tinukoy rin ng OCTA na nasa critical level ang Average Daily Attack Rate (ADAR) at Intensive Care Unit (ICU) occupancy ng Cebu City, Imus, at Tuguegarao City.
Hindi naman masabi ng OCTA kung pababa ba o pataas ang magiging trend ng COVID-19 sa bansa kahit bumaba ang reproduction number sa Metro Manila.