Nakumpleto na ng Department of Justice (DOJ) ang requirements sa extradition case ni dating Negros Occidental Rep. Arnie Teves na kasalukuyang nakakulong sa Timor Leste.
Sa Malacañang press briefing, inamin ni DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano na nagkaroon ng gap o tumagal sila dahil ang mga dokumento, records at pleadings na kanilang isusumite sa Timor Leste ay kailangang ma-translate sa Portuguese.
Sa ngayon aniya ay naghihintay na lamang sila ng feedback mula sa Timor Leste.
Ipinaliwanag pa nito na kaya natagalan ang extradition ni Teves pabalik ng bansa ay dahil naghain din sila ng motion for extension bilang precaution dahil nais nila na ang mga dokumentong kakailanganin ay kumpleto.
Kumpiyansa naman si Clavano na posible sa mga darating na linggo ma-extradite na ang dating mambabatas pabalik ng bansa at dito na niya haharapin ang kaniyang mga kaso.