Requirements para sa vaccine importation, inihahanda na ng pamahalaan

Nakatuon na ang pamahalaan sa paghahanda para sa maayos na pag-aangkat at pagiimbak ng bakuna at gamot sa bansa.

Ito ay matapos mailatag nang maayos ang financing at distribution process para sa potensyal na bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga awtoridad na magsagawa ng logistics preparations para sa shipment ng COVID-19 vaccine.


Kinakailangan ding magtayo ng cold storage facilities para sa mga bakuna.

“Inaayos na po ngayon iyong mga issues such as logistics para ipaparating dito, saan i-store dahil ang storage po niya ay negative 90 pala ang kinakailangan,” ani Roque.

Sa vaccine distribution, nabanggit aniya ni Health Secretary Francisco Duque III na may sapat na karanasan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng vaccination drive para sa tigdas at iba pang sakit.

“So sanay na sanay na tayo sa actual distribution at pagtuturok. Ang pinaghahandaan po natin talaga is iyong logistics, pag-import kasi specialized po ang transportation nito, negative 90 at saka iyong storage ‘no pagdating po dito sa Pilipinas,” sabi ni Roque.

Aminado si Roque na may mga hamon pagdating sa logistics preparations para sa COVID-19 vaccine, kabilang na rito ang pagkakaroon lamang ng Pilipinas ng isang storage facility sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Maaari ring hikayatin ang pribadong sektor na mag-invest sa pagtatayo ng mga nasabing istraktura.

Sa plano ng pamahalaan, ang Philippine International Trading Corporation (PITC), isang attached-firm ng Department of Trade and Industry (DTI), ang bibili ng COVID-19 vaccine.

Ang pondo para sa pagbili ng bakuna ay magmumula sa Land Bank at Development Bank of the Philippines.

Sa ilalim ng proposed 2021 national budget, aabot sa ₱2.5 billion ang nakalaan para sa procurement ng COVID-19 vaccines.

Facebook Comments