Umapela ang ilang kongresista na pansamantala ay suspindehin muna ang COVID-19 related travel requirements sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Odette.
Ayon kay Assistant Majority Leader Fidel Nograles, dapat ay magluwag muna ang mga provincial at city officials sa travel restrictions ng inbound travelers upang mas maging mabilis ang disaster response ng pamahalaan at pribadong sektor.
Punto ng kinatawan, bagama’t nananatili ang banta ng COVID, kailangan din ikonsidera ang pag-relax sa mga panuntunan upang agad na maipaabot ang tulong ng mga sinalanta ng bagyo.
Bukod pa rito, mas magiging madali rin para sa mga kaanak na matunton o malaman ang kalagayan ng kanilang mga pamilya at kaibigan lalo na sa mga lugar na pinadapa ng bagyo.
Tinukoy ng kongresista na marami pa kasi sa mga lugar ang walang linya ng komunikasyon at internet kaya napakalaking tulong kung bahagyang luluwagan ang travel requirements para makapasok sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.