Posibleng palawigin pa sa iba pang mga botika sa ilang mga lungsod sa bansa ang “Resbakuna sa Botika” kontra COVID-19 sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero.
Ito ay matapos maging matiwasay ang pilot implementation nito ngayong araw.
Sinovac at Astrazeneca ang inisyal na ginagamit na brand ng bakuna sa mga botika.
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson USec. Myrna Cabotaje, nais nilang magamay muna ng mga pharmacist na magsisilbing vaccinators ang mga bakunang ito bago magturok ng iba pang brand ng bakuna.
Aniya, hindi mahirap i-manage ang dalawang brand na ito at maaaring iimbak sa refrigerator ng botika kung hindi maituturok lahat.
Dagdag pa ni Cabotaje na kung magiging maayos ang pangangasiwa ay ikokonsidera na rin nila ang pag-a-allocate ng iba pang brand tulad ng Pfizer at Moderna na sensitibo sa lahat ng brand na ginagamit sa bansa.
Magsasagawa naman ng assessment ang Department of Health (DOH) sa isang linggong pilot implementation bago palawakin ang programa sa iba pang mga botika sa bansa sa mga susunod na linggo.
Samantala, magsasagawa rin ang Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng limang araw na mobile COVID-19 vaccination drive sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).