Cauayan City – Handa at nakaalerto na ang rescue assets sa Provincial Government of Cagayan para sa posibleng maranasang pananalasa ng bagyong Marce.
Tiniyak ng Officer-In-Charge ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na si Rueli Rapsing na nakahanda ang kanilang mga floating and land asset sakali mang mayroong kailangang respundehan.
Aniya, mayroong 21 floating asset, 3 ambu-truck, 3 Russian Truck, 6 na ambulansya, 6 rescue cars, 2 jet ski, 1 boom truck, 1 yate, at 4 na search and rescue vehicle ang nakaantabay sa posibleng paghagupit ng bagyo.
Dagdag pa nito, nakaantabay na rin ang 8 station ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team na matatagpuan sa bayan ng Tuao, Amulung, Lal-lo, Ballesteros, Sanchez Mira, Gonzaga, at Tuguegarao City.
Samantala, ngayong araw ika-6 ng Nobyembre ay nakatakdang magsagawa ng Pre-disaster Risk Assessment ang PDRRM Council upang talakayin ang karagdagang paghahanda na kanilang gagawin.