*Cauayan City, Isabela*- Target na matulungan ng Philippine Navy at Local Government Unit ng Aparri ang mga residente sa Fuga Island bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Commander Maritime Officer LT. Rodney Cudal ng Philippine Navy North Luzon, madalas ang kanilang ginagawang pagpapatrolya sa mga karagatang sakop ng Pilipinas upang masiguro na walang makakapasok na banyaga sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Giit pa ni Cudal na suspendido ang sana’y pagdaraos ng Balikatan Exercises matapos mapagkasunduan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at sa pagitan ng US Navy.
Sinabi pa ng opisyal na may mga ilang pilipinong turista ang kanilang tinulungan matapos mastranded sa isla ng batanes maging ang ilang mga negosyante at kawani ng pamahalaan dahil sa pagsasaayos ng ilang proyekto doon.
Bagama’t hirap ang ilang residente na sakop ng Fuga Island ay minabuti ng mga Philippine Navy na maghatid na lamang ng mga relief goods sa lugar base na rin sa kahilingan ng Lokal na Pamhalaan para sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Samantala, inihayag ng Philippine Navy na may mga namamataan silang foreign vessel sa karagatang sakop ng dulong bahagi ng Luzon partikular sa Probinsya ng Batanes subalit kanilang tiniyak ang kahandaan pagdating sa mga ganitong sitwasyon.
Sinabi naman ni Public Affairs Officer LT. Gerald Pascual na mga sasakyan ng PH Navy ang patuloy na umaalalay sa pagbibigay ng relief goods bilang pangunahing transportasyon patungo sa lugar.