
Cauayan City – Nagkaisa ang mga residente ng Brgy. Babuyan, Claro upang ipakita ang kanilang matinding pagtutol sa pagmimina ng Ludgoron Mining Corporation (LMC) sa kanilang isla sa pamamagitan ng signature campaign.
Nagsimula ang panawagang ito matapos magsumite ang LMC ng Application for Exploration Permit sa Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Layunin ng aplikasyon na magsagawa ng exploration upang matukoy kung mayroong iron ore at iba pang mineral na posibleng pagmulan ng komersiyal na pagmimina.
Ayon kay Calayan Mayor Jong Llopis, malinaw ang kanyang posisyon—tutol siya sa anumang hakbang na magbubukas ng mining operations sa lugar. Dahil dito, nakipagpulong ang alkalde sa Sangguniang Bayan upang makapagtakda ng isang resolusyong pormal na kumokontra sa nasabing exploration.
Inatasan din ng alkalde ang pamunuan ng Barangay Babuyan Claro na ihayag sa DENR ang kanilang opisyal na pagtutol sa permit application ng kumpanya. Kasabay nito, hiniling niya ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang makapagpasa rin ng resolusyong tumututol sa planong exploration.
Samantala, magkasama namang kumikilos ang mga opisyal ng barangay at ang mga Ibatan Tribal Leaders sa pangangalap ng mga lagda. Patuloy ang signature campaign sa buong komunidad bilang simbolo ng pagkakaisa at determinasyon ng mga residente na protektahan ang kanilang isla mula sa banta ng pagmimina.









