RESIDENTIAL HOUSE SA BAYAN NG CALASIAO, NATUPOK NG APOY; 74-ANYOS NA GINANG KASAMA SA NASUNOG

Labis-labis ngayon ang kalungkutan ng mga kaanak ng isang 74-anyos na ginang na kasamang natupok pasado alas syete ng umaga ng ika-16 ng Mayo nang magsimulang sumiklab ang apoy sa isang residential house sa Brgy. Poblacion West, bayan ng Calasiao.
Sa naging panayam ng IFM kay Senior Inspector Gener Ramos, hepe o Municipal Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection Calasiao, dahil sa katandaan na rin umano ng ancestral house na tinatayang nasa 50-taon na at mga light materials na gamit kaya’t naging mabilis ang pagkalat ng apoy sa naturang bahay dahilan din para masunog ang katawan ng isang bed-ridden na dating doktor na ginang na naiwan sa loob ng kanyang kwarto.
Agad ding naitakbo sa pagamutan ang nasa 18-anyos na nag-iisang kasama ng natupok na ginang dahil sa kapal ng usok ay na-suffocate at bahagyang nahimatay ito dahilan din para hindi na maisalba ang biktima.

Bukod sa katawan ng biktima at ari-arian ang naabo, kasama ring natupok ang ilan sa mga alaga nilang mga aso ngunit sa kabutihang palad ay nailigtas pa ang ilan sa mga ito.
Ayon pa kay hepe, naipagbigay-alam ang naturang sunog sa kanilang tanggapan sa oras ng 7:29 ng umaga at agad na narespondehan ng tropa kasabay ng pag-augment o paghingi ng tulong sa mga karatig bayan upang tumulong sa pag-apula kung saan agad na nakarating ang mga fire trucks mula sa BFP stations sa mga bayan ng Sta. Barbara, San Carlos City, San Fabian, Panda Fire Brigade Volunteers mula sa Lungsod ng Dagupan, Tayug BFP Fire truck na nakatalaga sa R1AA Meet.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung ano ang naging sanhi ng sunog ngunit hindi inaalis ng awtoridad ang posibleng problema sa linya ng kuryente na pumalya.
Magsasagawa pa umano ang kanilang hanay ng kasunod na imbestigasyon dahil aniya pa, mas mahalaga umano na makuhanan ng pahayag ang kasama ng biktima at umaasa ito na makakakuha sila ng impormasyon kung ano at saan ang talagang pinagmulan ng sunog at upang alamin ang kabuuang danyos ng naganap na sunog. |ifmnews
Facebook Comments