Manila, Philippines – Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Sa kanyang talumpati sa Malacañang kaninang hapon, kinumpirma ng Pangulo na naghahanap na siya ng pwedeng ipalit kay Aguirre.
Wala namang nabanggit na detalye ang Pangulo kung paanong nagbitiw si Aguirre kung sa pamamagitan ba ng sulat o personal siyang kinausap nito sa cabinet meeting noong Miyerkules.
Matatandaang nadismaya si Pangulong Duterte kay Aguirre kasunod ng inilabas na dismissal order ng DOJ sa drug case laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at iba pang kapwa akusado.
Pinagbantaan pa niya si Aguirre na ipapalit siya sa kulungan oras na makalaya sina Espinosa.
At nito lang Miyerkules nang kumalat ang balitang nagsumite ng resignation letter si Aguirre sa Malacañang.
Samantala, itinalaga naman ng Pangulo bilang bagong DOJ Secretary si Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.