Manila, Philippines – Masyado nang huli ang ginawang pagbibitiw ni Mocha Uson bilang Assistant Secretary ng PCOO.
Ayon kay Akbayan Representative Tom Villarin, ‘too little, too late’ ang resignation ni Uson dahil matagal nang ipinanawagan ang pagbibitiw nito sa pwesto.
Paliwanag ni Villarin, bagaman at nabahiran na ng lason ang gobyerno sa mga isyung kinasangkutan ni Uson, ‘whiff of fresh air’ pa rin namang maituturing ang pagbibitiw nito sa pwesto.
Inihalintulad pa sa demonyo ang pagiging arogante ni Uson dahil sa pagiging mayabang, paninisi sa iba na siya naman ang may kagagawan, mga kalokohan at ang hindi nito paggalang sa Kongreso.
Samantala, tinawag naman ni Ifugao Representative Teddy Baguilat na malaking salot kay Pangulong Duterte si Uson dahil sa mga maling impormasyon at eskandalo na dulot nito sa pamahalaan tulad ng federalism information drive.
Dagdag pa nito, nabawasan ng excess baggage ang Pangulo dahil sayang lang ang ibinabayad kay Uson ng gobyerno at wala naman siyang pakinabang sa publiko.
Mababatid na nakabanggaan ni Uson si ACT TEACHERS Partylist Representative France Castro dahil sa dalawang beses na pina-defer nito ang budget ng PCOO dahil sa hindi pagdalo ni Uson sa budget hearing sa Kamara.
Itinuturo naman ni Uson na ginagamit ng mga militanteng kongresista ang kanilang posisyon para ipitin ang 2019 budget ng PCOO.