Resolusyon, inihain na para imbestigahan ang pagkakapatay kay Kian Delos Santos

Manila, Philippines – Inihain na ng Makabayan Bloc sa Kamara ang House Resolution 1209 para imbestigahan ang pagpatay sa Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos.

Sa resolusyong inihain nila Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Gabriela Reps. Arlene Brosas at Emmi de Jesus, ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro, Anakpawis Rep. Ariel Casilao at Kabataan Rep. Sarah Elago, ay inaatasan ang House Committee on Human Rights na imbestigahan na “in aid of legislation” ang mga drug related extra judicial killings sa bansa.

Nakasaad sa resolusyon na lumikha ng pagdududa sa mamamayan ang pagpatay kay delos Santos dahil iba ang testimonya ng mga pulis sa pahayag ng mga testigo at ang video na kuha sa CCTV.


Sinasabi ng mga pulis na nagpaputok sa kanila ang bata at nakuhaan pa ng droga pero sa CCTV ay makikitang binitbit ng mga pulis si Kian.

Kapuna-puna anila ang pattern ng mga otoridad sa mga napapatay na sangkot sa iligal na droga lalo na ang sinasabing pang-aagaw ng baril o panlalaban ng mga napapatay sa illegal drugs campaign.

Ang pagpatay ng mga pulis sa mga drug suspects ay nagiging normal na lamang at nababalewala na ang due process sa bansa.



Facebook Comments