
Inaprubahan ng mga senador ang resolusyon na naghahayag ng posisyon ng Senado laban sa extrajudicial rendition o pagsuko sa sinumang Pilipino sa dayuhang korte o hurisdiksyon.
Sa Senate Resolution 307, nakasaad na dapat bigyan ng pagkakataon ang isang Pilipino na makadulog sa lokal na korte para sa legal remedies bago isuko o i-extradite sa ibang bansa.
Isinulong ito ng siyam na senador mula sa minorya matapos ilabas ng International Criminal Court (ICC) ang listahan ng mga sinasabing co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya kontra iligal na droga.
Bumoto kontra sa resolusyon sina Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan at Bam Aquino.
Ayon kay Hontiveros, bagama’t teknikal ang mga legal na konsepto, malinaw na tumutukoy ito sa isyu ng pagsuko kay Duterte sa ICC.
Iginiit din niya na hindi pagkakait ng due process ang pagdulog sa ICC dahil ito mismo ay bahagi ng due process kung saan naipagkakaloob ang mga karapatan ng akusado.










