Thursday, March 26, 2026

Resolusyon na layuning suspindehin ang airport at seaport terminal fees hanggang Hunyo, inihain sa Kamara

Isinulong ni Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor na pansamantalang suspindehin mula sa huling linggo ng Marso hanggang sa Hunyo ang terminal fees at cargo charges sa mga paliparan at pantalan sa buong bansa.

Panawagan ito ni Tutor sa Department of Transportation (DOTr), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Manila International Airport Authority (MIAA), at Philippine Ports Authority (PPA).

Ang hiling ni Tutor ay nakapaloob sa inihain nyang House Resolution 907 sa harap ng nararanasang pandaigdigang krisis ngayon sa langis.

Layunin ng mungkahi ni Tutor na matulungan ang sektor ng turismo upang mabawasan ang gastos ng mga biyahero lalo na ng mga turista.

Diin ni Tutor, ang suspensyon sa terminal fees ay makakatulong din sa pagbiyahe ng mga produkto para sa iba’t ibang negosyo kaya malaking bagay ito para sa presyo ng retail at wholesale goods.

Facebook Comments