Pinasisilip ni House Deputy Speaker at Antique Lone District Representative Loren Legarda ang patuloy na pagbaba ng fisheries output ng bansa.
Ang hakbang ng 3-term senator ay kasunod ng pag-angkat ng Department of Agriculture ngayong unang kwarter ng 2022 ng 60,000 metrikong tonelada ng isda sa China at Vietnam dahil sa kakapusan ng isda dahil sa epekto ng Bagyong Odette at pagpapatupad ng closed fishing season.
Maghahain ngayong araw si Legarda ng isang resolusyon upang silipin ang dahilan ng pagtaas ng importation ng mga frozen fish at pagbaba ng ating fisheries output.
Sa panayam ng RMN News Nationwide, sinabi ni Legarda na layon nitong makagawa ng sustainable solution para mapatatag ang fishing industry at kabuhayan ng ating mga mangingisda.
Una nang hindi sinang-ayunan ni Legarda ang pag-iimport ng pamahalaan ng isda dahil sa epekto nito sa kabuhayan ng mga mangingisda sa bansa.
Giit ni Legarda, imbes na umangkat ay dapat suportahan na lang ng pamahalaan ang mga mangingisda para mapaunlad ang produksyon ng isda sa Pilipinas.