Pinagtibay na sa Kamara ang resolusyong nagpapabasura sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Sa botong 165 Yes, 1 No at 1 Abstain ay ini-adopt sa Kamara ang House Resolution 2068 kaugnay sa committee report na nagbabasura sa reklamo ng pagpapatalsik kay Justice Leonen.
Matatandaang May 27 naman ng desisyunan ng Committee on Justice na ibasura ang impeachment laban sa Associate Justice matapos makakuha ng unanimous vote sa mga miyembro ng panel.
Naibasura ang reklamo matapos na pagkasunduan ng mga kongresista na walang sapat na porma at substance ang impeachment complaint na inihain ng complainant na si Edwin Cordevilla laban kay Leonen.
Bukod sa walang maiprisintang certified at authentic records o documents ang complainant, hindi rin tumatalima sa requirement ng impeachment na dapat “true and correct” at “based on personal knowledge” ang impeachment complaint.