Inaprubahan ng mga senador ang isang resolusyon na nagbibigay ng awtorisasyon kay Senate President Juan Miguel Zubiri na maghain ng kaukulang aksyon para kuwestyunin ang constitutionality, validity at mga iregularidad kaugnay sa People’s Initiative.
Nakapaloob ito sa Senate Resolution No. 920 na nilagdaan ng lahat ng 24 na senador kabilang na si Zubiri.
Tinukoy sa resolusyon ang naging kaso sa Korte Suprema na Santiago vs. COMELEC kung saan sinabi na hindi sapat ang batas ukol sa People’s Initiative para maamyendahan ang Konstitusyon.
Ipinunto sa resolusyon ang pangangailangan na magsampa ng kaukulang aksyon sa proper tribunal ukol sa nasabing Supreme Court ruling at sa kasalukuyang People’s Initiative na pinangunahan ng isang Atty. Anthony Abad.
Si Abad, ang pangalan na nakalagay sa People’s Initiative form na unang ipinakalat para sa pagkalap ng lagda ng mga tao.
Ipina-subpoena na rin ito ng Senado pero batay sa impormasyon, si Abad ay kasalukuyang nasa ibang bansa.