Ipinare-review agad sa Kamara ng Kabataan Party-list ang K-12 program.
Kaugnay ito sa inihaing House Resolution no. 13 kung saan inaatasan ang kaukulang komite na magsagawa ng pagsusuri sa nasabing programa.
Nakasaad sa resolusyon na makalipas ang walong taong implementasyon ng K-12 system sa edukasyon ay napatunayang hindi ito epektibo para maiangat ang educational standards ng bansa.
Sa halip kasi na solusyunan ang mga problema sa edukasyon, nakadagdag lamang ang K-12 sa problema ng mga mag-aaral, mga guro at mga magulang.
Napag-eksperimentuhan din umano at pinahirapan ang mga estudyante at bukod sa dagdag na dalawang taon sa senior high school, dagdag bayarin din ito sa mga mag-aaral.
Bigo rin ang K-12 program sa pangakong mabigyan ng trabaho ang mga nagtapos ng senior high school.
Umaasa si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel na magiging daan ang review sa K-12 upang matiyak ang ligtas, accessible at de kalidad na edukasyon para sa lahat ng mga Pilipino.