Resolusyon na nagpapasuspindie sa pagtaas ng premium sa PhilHealth ngayong Hunyo, pinaaaksyunan na sa Kamara

Umaapela ang Makabayan Bloc sa liderato ng Kamara na agad na aksyunan ang joint resolution na nagpapasuspinde sa pagtaas sa “premium” ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa susunod na buwan.

Hiling ng Makabayan na bago sumapit ang buwan ng Hunyo o bago magtapos ang 18th Congress ay mapagtibay ito ng Kamara.

Nakapaloob sa House Joint Resolution No. 41 na inihain ng Makabayan na suspindehin muna ang implementasyon ng 4% pagtaas sa PhilHealth premium.


Tinukoy na kung hindi haharangin ang pagtaas sa kontribusyon ay magiging pabigat ito sa mga manggagawa na nahaharap pa rin sa walag humpay na taas-presyo sa mga produkto at serbisyo.

Binigyang diin pa ng Makabayan na magpapatupad ng pagtaas sa kontribusyon ng mga myembro ng Philhealth pero ang mga isyu ng state health insurer ay hindi pa nareresolba tulad na lamang ng mga utang sa mga pagamutan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Batay sa anunsyo, ang kokolektahing 4% premium rate hike simula Hunyo ay nasa ilalim ng PhilHealth Advisory No. 2022-0010, at alinsunod sa Universal Health Care Law.

Katumbas ito ng ₱400 hanggang ₱3,200 para sa lahat ng direct contributors na kumikita ng ₱10,000 hanggang ₱80,000.

Facebook Comments