
Tinalakay sa plenaryo ng Senate of the Philippines ang Senate Resolution No. 307, na nananawagan ng proteksyon para sa lahat ng Pilipino laban sa tinatawag na “extraordinary rendition” o ang lihim at labas sa proseso ng korte na paglilipat sa isang tao sa ibang bansa upang imbestigahan o ikulong.
Ito ay sa gitna ng ika-isang taong pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa interpelasyon sa plenaryo, iminungkahi ni Panfilo Lacson, Senate President Pro Tempore, ang pagbabago sa terminong ginamit sa resolusyon.
Partikular na nais ipaamyenda ni Lacson ang salitang “extraordinary rendition” dahil ginagamit na rin ito sa isang probisyon ng Anti-Terrorism Act of 2020, kung saan ipinagbabawal ang naturang gawain at karaniwang tumutukoy sa mga hinihinalang terorista.
Samantala, inirekomenda ni Alan Peter Cayetano, Senate Minority Leader, na gamitin na lamang ang terminong “extrajudicial rendition.”
Ayon kay Cayetano, kung naniniwala ang isang Pilipino na dapat siyang dumaan muna sa korte ng bansa, nararapat lamang na matiyak na may judicial process na susundin para sa kanya.








