Inaprubahan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na nananawagan ng suspensyon at pagrebisa sa inilabas na bagong guidelines ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mga Pilipinong babyahe sa labas ng bansa.
Tinuligsa ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang bagong travel guidelines sa kanyang privilege speech kung saan pinahahanap nito ang Bureau of Immigration at IACAT ng mas maayos at epektibong immigration strategies na hindi naipagkakait ang “constitutional right to travel” ng mga Pilipino.
Nagbabala pa si Zubiri na posible pang maging paraan ng katiwalian ang panibagong travel guidelines.
Sa halip aniya na mga byahero ang pahirapan ng bagong patakaran sa pagbyahe sa labas ng bansa, mas dapat na paigtingin ng gobyerno ang kampanya kontra illegal recruitment.
Samantala, sa manifestation ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, iginiit niya ang suspensyon o pagpapatigil sa implementasyon ng bagong travel guidelines matapos kwestyunin ang constitutionality nito.
Unang tingin pa lang aniya ay klarong paglabag na ito sa Konstitusyon kaugnay sa “right to travel” ng mga Pilipino.